Posted in favorites

Bayan Ko (My Country)

Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig na sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.

At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas!

Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko’t dalita
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya.

-José Corazón de Jesús-

Posted in favorites

Agaw-Dilim (Twilight)

Namatay ang araw
sa dakong kanluran,
nang kinabukasa’y
pamuling sumilang,
ngunit ikaw, irog, bakit nang pumanaw
ay bukod-tangi kang di ko na namasdan?

Naluoy sa hardin
ang liryo at hasmin,
Mayo nang dumating
pamuling nagsupling,
ngunit ikaw, sinta, bakit kaya giliw
dalawang Mayo nang nagtago sa akin?

Lumipad ang ibon
sa pugad sa kahoy,
dumating ang hapon
at muling naroon,
ngunit ikaw, buhay, ano’t hangga ngayo’y
di pa nagbabalik at di ko matunton?

-José Corazón de Jesús-

Posted in favorites

Kahit Saan (Wherever)

Kung sa mga daang nilalakaran mo,
may puting bulaklak ang nagyukong damo
na nang dumaan ka ay biglang tumungo
tila nahihiyang tumunghay sa iyo. . .
Irog, iya’y ako!

Kung may isang ibong tuwing takipsilim,
nilalapitan ka at titingin-tingin,
kung sa iyong silid masok na magiliw
at ika’y awitan sa gabing malalim. . .
Ako iyan, Giliw!

Kung tumingala ka sa gabing payapa
at sa langit nama’y may ulilang tala
na sinasabugan ikaw sa bintana
ng kanyang malungkot na sinag ng luha
Iya’y ako, Mutya!

Kung ikaw’y magising sa dapit-umaga,
isang paruparo ang iyong nakita
na sa masetas mong didiligin sana
ang pakpak ay wasak at nanlalamig na. . .
Iya’y ako, Sinta!

Kung nagdarasal ka’t sa matang luhaan
ng Kristo’y may isang luhang nakasungaw,
kundi mo mapahid sa panghihinayang
at nalulungkot ka sa kapighatian. . .
Yao’y ako, Hirang!

Ngunit kung ibig mong makita pa ako,
akong totohanang nagmahal sa iyo;
hindi kalayuan, ikaw ay tumungo
sa lumang libinga’t doon, asahan mong. . .
magkikita tayo!

– José Corazón de Jesús –

Posted in favorites

Isang Punong Kahoy (A Tree)

Kung tatanawin mo sa malayong pook,
ako’y tila isang nakadipang kurus;
sa napakatagal na pagkakaluhod,
parang ang paa ng Diyos.

Organo sa loob ng isang simbahan
ay nananalangin sa kapighatian,
habang ang kandila ng sariling buhay
magdamag na tanod sa aking libingan.

Sa aking paanan ay may isang batis,
maghapo’t magdamag na nagtutumangis;
sa mga sanga ko ay nangakasabit
ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.

Sa kinislap-kislap ng batis na iyan,
asa mo ri’y agos ng luhang nunukal;
at saka ang buwang tila nagdarasal,
ako’y binabati ng ngiting malamlam.

Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
nagpapahiwatig sa akin ng taghoy,
ibon sa sanga ko’y may tabing nang dahon,
batis sa paa ko’y may luha nang daloy.

Ngunit tingnan ninyo ang aking narating,
natuyo, namatay sa sariling aliw.
Naging kurus ako ng pagsuyong laing
at bantay sa hukay sa gitna ng dilim.

Wala na, ang gabi ay lambong na luksa,
panakip sa aking namumutlang mukha!
Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga
ni ibon, ni tao’y hindi na matuwa.

At iyong isiping nang nagdaang araw,
isang kahoy akong malago’t malabay.
Ngayon, ang sanga ko’y kurus sa libingan,
dahon ko’y ginawang korona sa hukay!

-José Corazón de Jesús-